Ang halaman ng gumamela ay karaniwang nakikita sa maraming lugar sa Pilipinas. Killa ang bulaklak nito na may matingkad na kulay. Maaari itong tumubo kahit saang lugar at tinatanim din bilang halamang ornamental. Ang dahon ay paboritong laruin ng mga bata at ginagamit pa sa paggawa ng bula.
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA GUMAMELA?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang gumamela ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
Ang bulaklak ay may taglay na polyphenols, flavonoids at anthocyanins. Mayron din itong hisbiscetin.
Nakakuha din ng flavonoids, cyanidin, quercetin, hentriacontane, calcium oxalate, thiamine, riboflavin, niacin, at ascorbic acid sa halamang ito.
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
Bulaklak. Ginagamit ang bulaklak sa panggagamot sa pamamagitan ng pagdikdik at pagkuha sa katas nito. Maaari din itong pakuluanat inumin na parang tsaa.
Dahon. Ang dahon ay kadalasang dinidikdik at pinangtatapal sa ilang kondisyon sa katawan, o kaya ay nilalaga upang magamit bilang gamot.
Balat ng kahoy. Ang balat ng kahoy ay kadalasang nilalaga kasama ng ilan pang bahagi ng halaman.
Ugat. Ang ugat ay maaaring ilaga at ipainom para magamot ang ilang kondisyon sa katawan.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG GUMAMELA?
1. Pigsa. Ang batang bulaklak ay dinidikdik hanggang sa ito ay maging malapot at ipinangpapahid sa balat na may pigsa.
2. Beke. Maaaring gamitin sa panggagamot bilang pampahid ang dinikdik na bulaklak na gumamela
3. Mga bukol sa katawan. Ang dindikdik na dahon at bulaklak ng gumamela ay mabisang gamot para sa mga bukol o tumor na tumutubo sa balat.
4. Sore eyes. Ang pinaglagaan ng ugat ng gumamela ay mabisang gamot para sa iritasyon ng mata o sore eyes
5. Pananakit ng ulo. Maaaring gamitin ang dinikdik na dahon ng gumamela bilang pantapal sa sentido ng ulo upang mawala ang pananakit ng ulo.
6. Hirap sa pag-ihi. Ang pinaglagaan ng bulaklak at ugat ng gumamela ay mabisang gamot para sa hirap sa pag-ihi
7. Ubo. Mabisa para sa ubo ang pinaglagaan ng ugat ng gumamela. Iniinom lamang ito.
8. Hirap sa pagdumi. Makatutulong sa pagdudumi ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng gumamela.
9. Lagnat. Nakakapagpababa ng lagnat ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng gumamela. Mabisa din ang pinaglagaan ng ugat ng gumamela bilang gamot.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ang Kalusugan.PH ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.
No comments:
Post a Comment