Ang makahiya, damuhiya, o damohia (Ingles: mimosa plant) ay isang uri ng halamang may maraming mga ulo ng kulay-rosas na bulaklak. Mahiyain o maramdamin ang mga sensitibong dahon nito, na bumbaluktot, yumuyuko at kumukuyom kapag hinihipo.Mimosa pudica (Linnaeus) ang pangalang pang-agham nito. Kilala rin bilang Mimosa asperata (Blanco). Nakikita ang damong ito karaniwan sa mga bukid.
Ang makahiya ay isang halaman na tinuturing na damong ligaw na tumutubo saan man sa mabababang lugar sa buong kapuluan ng Pilipinas. Kilala ito dahil sa katangian nito na tumitiklop ang dahon kapag hinawakan. Napalilibutan ng tinik ang mga sanga nito at may bulaklak na kulay rosas. Nagbibigay din ito ng bunga na kahalintulad ng bataw. Orhinal na nagmula ang halamang ito sa kontinente ng Amerika.
Ano ang mga sustansya at kemikal na maaaring makuha sa Makahiya?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang makahiya ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan: Ang ugat ay may taglay na flavonoids, phytosterol, alkaloids, amino acids, tannins, glycoside, at fatty acids. Ang dahon ay mayroon namang mimosine. Ang buong halaman ay makukuhanan ng tubulin at crocetin dimethyl ester.
Anong bahagi ng halaman ang ginagamit bilang gamot, at paano ginagamit ang mga ito?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng: Ang buong halaman ay maaaring gamitin sa panggagamot. Maaari itong ilaga at ipaunom sa taong may karamdaman. Maaari ding katasan ang halaman upang ipampahid sa ilang kondisyon sa balat. Ginagamit ang ugat ng makahiya sa panggagamot sa pamamagitan ng paglalaga at pag-inom sa pinaglagaan. Ang dahon ay maaaring ilaga din, o ihalo lamang sa inumin. Ang buto naman ay kadalasang dinidikdik at ipinangtatapal sa ilang kondisyon sa katawan.
Ano ang mga sakit at kondisyon na maaaring magamot ng Makahiya?
1. Dysmenorrhea. Maaaring inumin ang pinaglagaan ng dahon ng makahiya para sa kondisyon ng dysmenorrhea o ang pananakit ng puson na kadalasang nararamadaman kapag may buwanang dalaw.
2. Hika. Nakatutulong naman ang pag-inom sa pinaglagaan ng buong halaman ng makahiya na mabawasan ang mga sintomas ng hika.
3. Ubo na may makapit na plema. Mabisa naman para sa kondisyon ng ubo na may makapit na plema (dry cough) ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng makahiya.
4. Sugat. Inilalagay naman ang dinikdik na buto ng makahiya sa mga sugat upang mapabilis ang paghilom ng mga ito. Ang katas mula sa dinikdik na halaman ay may kaparehong epekto din kung ipampapahid sa sugat.
5. Pasa. Ang mga pasa ay maaari naman lagyan ng dindikdik na dahon ng makahiya. Makatutulong ito upang mabilis na mawala ang maitim na kulay ng pasa.
6. Hirap sa pag-ihi. Mabisa naman para sa kondisyon ng hirap sa pag-ihi o ang pag-inom sa pinaglagaan ng ugat ng makahiya.
7. Almoranas. Ang pamamaga at pagsusugat ng tumbong dahil sa almoranas ay maaaring matulungan ng pag-inom sa gatas na hinaluan ng pinulbos na dahon at ugat ng halamang makahiya.
8. Diabetes. Pinaniniwalaan ding makakalunas ang pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng makahiya sa sakit na diabetes.
9. Galis. Maaari din gamitin ang katas ng dinikdik na halamang makahiya para sa pangangati at pagsusugat sa balat na dulot ng galis.
10. Pagtatae. Ang dahon ng makahiya ay maaaring ihalo sa inumin para maibsan ang pagtatae na nararanasan.
-Kalusugan.ph, NikTheCat (Youtube) at Wikipedia
No comments:
Post a Comment